Inihayag ni Senator Imee Marcos nitong Martes, na kompleto na umano ang 12 magiging kandidato ng administrasyon sa pagka-senador sa Eleksyon 2025.
Inihayag ito ni Marcos, matapos magpulong nitong Lunes ng gabi sa Palasyo ang mga partidong kaalyado ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Una rito, naglabas ng pahayag si Speaker Martin Romualdez, na kasama sa naturang pulong sa Palasyo, at sinabing kasama sa pag-uusap ang kinatawan mula sa kaniyang partido na Lakas-CMD; Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pres. Marcos; Nationalist People’s Coalition (NPC); Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP).
Inihayag ni Romualdez na tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng kanilang koalisyon at paggawa ng strategy para sa 2025 elections.
“This is more than just a strategic planning session; it is a declaration of our shared commitment to the Filipino people,” ani Romualdez.
Sa Viber message nitong Martes, sinabi ni Imee na napag-usapan sa naturang pagtitipon ang pagpili sa mga magiging senatorial candidate ng administrasyon mula sa mga partido:
Partido Federal ng Pilipinas (PFP)
Manny Pacquiao
Benhur Abalos
Francis Tolentino
LAKAS-CMD
Bong Revilla
Erwin Tulfo
Nationalist People’s Coalition (NPC)
Tito Sotto
Ping Lacson
Lito Lapid
Abby Binay
Nacionalista Party (NP)
Pia Cayetano
Imee Marcos
Camille Villar
Sinisikap pa ng GMA News Online na makumpirma mula sa mga partido ang naturang listahan.
Magsisimula sa darating na Oktubre ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga tatakbo para sa midterm elections sa 2025. Hindi kasama sa listahan ng mga iboboto sa susunod na taon ang posisyon ng pangulo at bise presidente.—mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News