Sinabi ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes na nasa Indonesia ngayon ang sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Kung papaano siya nakalabas ng Pilipinas, iniimbestigahan na umano ng ahensiya.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, batay sa nakalap nilang impormasyon, bumiyahe si Guo pa-Malaysia mula sa Pilipinas noong July 16. At pagkatapos ay nagpunta sa Indonesia mula sa Singapore noong August 18.
"Sa atin pong pagbantay sa mga counterpart intelligence information, nalaman natin nasa Indonesia ngayon. Tumawid siya from Singapore the other day, August 18," sabi ni Sandoval sa Super Radyo dzBB.
Nagsasagawa umano ng backtracking ang BI sa naging galaw ni Guo para malaman ang mga tao na nasa likod ng kaniyang paglabas sa bansa.
Hindi rin inaalis ng BI ang posibilidad na may immigration officials na tumulong sa dating alkalde.
"Nagba-backtrack tayo sa dinaanan ni Mayor Guo kung paano siya nakalabas ng bansa. From there, malalaman natin kung sino ang mga individuals responsible in that area," ayon kay Sandoval.
Nagbabala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga tauhan ng BI na magsabi na ng totoo kung papaano nakalabas ng bansa si Guo.
Inatasan din ni Remulla ang National Bureau of Investigation at BI, na kapuwa nasa ilalim ng DOJ, na imbestigasyon ang naturang biyahe ni Guo.
“As civil servants, we have sworn to the country our unwavering integrity, transparency and accountability in all our actions and decisions,” pahayag ni Remulla.
“Hence, I am issuing this final warning against erring BI personnel who may have had a participation in the escape of Guo despite strict restrictions imposed by our government, it’s either you come out and unveil the truth or wait until I personally get to the bottom of this where heads will roll and all hell will break loose,” babala ng kalihim.
Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), gagamitin nila ang "diplomatic channels" para maibalik ng bansa si Guo.
“But since, kung totoo man po, na nakalabas na po siya ng bansa, then we have to go through the diplomatic channel to address the possibility of bringing her back dito sa atin,” sabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Inihayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, na batay sa kaniyang intelligence information, nakalabas ng bansa si Guo na hindi dumadaan sa mga tauhan ng Philippine immigration.
Ayon kay Sandoval, maaaring maipa-deport si Guo kapag nakansela ang kaniyang mga travel document gaya ng pasaporte.
"Kung makakansenla ang kaniyang travel documents and the person will be repatriated, ibabalik siya sa Pilipinas kung wala na siyang valid travel documents. We're continuously monitoring 'yung movements niya out of the country," anang opisyal.
Ayon naman kay Atty. Stephen David, abogado ni Guo, tiniyak sa kaniya ng kaniyang kliyente na nasa Pilipinas siya.
Nakausap daw ni David si Guo noong Lunes, August 19, at sinabi umano ng dating alkalde na nasa bansa pa ito. Gayunman, aminado siya na hindi niya ito makukumpirma.
"Siyempre hindi ko mako-confirm 'yan. Siguro 'yung kanilang report, may basehan sila. Pero sa akin kasi, kausap ko kasi 'yung client ko, sabi niya nasa Pilipinas naman siya," pahayag ni David sa panayam ng Unang Balita.
"In-assure niya ako 100% na nasa Pilipinas siya. Kaya ako, 'yung sinasabi ni Senator Risa [Hontiveros], mahirap po namang… ayunan," dagdag niya.— mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News