Inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Lunes na namumuro nang magdeklara siya ng dengue outbreak sa bansa dahil sa mataas na bilang ng mga kaso nito.
“Magde-declare rin ako ng dengue outbreak kasi based on my conversation with our Epidemiology Bureau director, outbreak levels na ang ating dengue,” sabi ni Herbosa sa pulong balitaan.
Hindi nagbigay ng karagdagang impormasyon si Herbosa tungkol sa usapin, pero batay sa pinakahuling datos ng DOH, tumaas ng 33% porsiyento ang dengue cases sa bansa ngayong taon kumpara noong 2023.
Hanggang nitong Agosto 3, umabot sa 136,161 ang dengue cases. Bagaman mas mababa umano ang bilang ng mga nasawi dahil sa virus na nasa 364, kumpara sa 401 na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.
Ilang lugar sa labas ng Metro Manila ang nakapagtala ng pagsipa ng dengue cases simula noong July 2024. Ang ibang lugar gaya ng Ormoc City sa Leyte, nagdeklara na ng state of calamity dahil sa dengue.
Ang lalawigan ng Iloilo, may dengue outbreak dahil sa pagdami ng mga pasyenteng tinamaan ng virus na nagmumula sa kagat ng lamok na nakaapekto sa 36 sa 43 nitong lokal na pamahalaan.
Ang Manila-LGU, magsasagawa ng misting and spraying activities sa mga public schools simula sa August 19 hanggang September 20, 2024 dahil din sa pagtaas ng dengue cases.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na ugaliin ang 4S strategy laban sa dengue na: Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early consultation; at Support fogging or spraying in hotspot areas. Mas dapat umano itong gawin ngayon panahon ng tag-ulan.
— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News