Ilang araw matapos magdeklara ng global public health emergency ang World Health Organization (WHO) laban sa mpox (dating monkeypox), inihayag ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes na may unang kaso na ng naturang nakahahawang virus sa Pilipinas ngayong taon.
Ayon sa DOH, umabot na sa 10 ang kabuuang kaso ng mpox sa bansa, kasama ang mga nakalipas na taon--na ang pinakahuli ay noong December 2023.
“The [new] case is a 33 year old male Filipino national with no travel history outside the Philippines but with close, intimate contact three weeks before symptom onset,” ayon sa DOH.
Nagsimula umanong makaramdam ng sintomas ang pasyente mahigit isang linggo na ang nakararaan. Kabilang ang lagnat, na nasundan pagkaraan ng apat na araw ng rashes sa mukha, likod, batok, katawan, singit, pati sa palad at talampakan.
ALAMIN: Ano ang Mpox na idineklara ng WHO na global public health emergency?
Dinala ang pasyente sa government hospital para kunan ng specimens at sinuri via real-time polymerase chain reaction (PCR) test.
“PCR test results are positive for Monkeypox viral DNA,” ayon sa DOH.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, naka-isolate pa ang pasyente ngayon.
“Three weeks ang recommended period of isolation. 21 days ‘yun, until mag-dry up ‘yung mga lesions sa balat,” dagdag niya.
Lahat ng pasyente na tinamaan ng mpox sa Pilipinas ay pawang gumaling, ayon sa DOH.
Ayon kay Herbosa, kahit sino ay maaaring mahawahan ng mpox sa pamamagitan ng close at intimate contact sa taong infected ng virus. Maaaring maipasa ang virus sa paghawak sa kontaminadong gamit o maging sa paglapit sa infected na hayop.
“Pero soap and water will kill the virus,” ayon sa kalihim na idinagdag na hindi naman kailangan na gumamit ng facemask.
“Supportive care. ‘Yung sintomas mo ang ginagamot. Kapag nilalagnat sila, bibigyan sila ng paracetamol. Kung may makati sa kanila, anti-kati at aalagan ‘yung mga lesions nila,” ani Herbosa.
“Yung ibang doktor, puwedeng mag-prescribe ng antivaral na medication lalo na kung may comorbidity sila pero hindi lahat bibigyan. Kung healthy ka, magre-recover ka without problem,” patuloy niya.
Nitong nakaraang linggo nang magdeklara ang WHO ng global public health emergency para sa mpox sa ikalawang pagkakataon sa magkasunod na taon.
Kasunod ito ng outbreak ng viral infection sa Democratic Republic of Congo at kalapit nitong mga bansa.
May kabuuang 38,465 kaso ng virus sa 16 na African countries mula January 2022. Sa naturang bilang, 1,456 ang nasawi.
Ayon sa WHO, tumaas ng 160 percent ang mga kaso ng mpox ngayon taon, kumpara noong nakaraang taon. —mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ,GMA Integrated News