Pinalagan ng isang guwardiya ang limang magnanakaw na nanloob sa isang tindahan ng prutas na humantong sa engkuwentro sa Barangay San Isidro, Makati City. Ang lider ng mga kawatan, patay.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente madaling araw ng Miyerkules.
Mapapanood sa CCTV ng establisimyento ang pagroronda ng mga kawatan sa pag-aakalang kontrolado na nila ang lugar.
Pero ilang saglit lang, biglang tumayo ang pinadapa nilang guwardiya at nagpaputok ito ng baril.
Gumanti naman ng putok ang ilan sa mga holdaper bago tumakas pero hindi tinamaan ang guwardiya.
Bago ang engkuwentro, hinanap umano ng mga suspek ang vault ng tindahan. Pero naudlot daw ang kanilang plano nang may dumaang mga pulis.
Ayon sa Makati City Police, narinig ng guwardiya ang wang-wang kaya ito nakakuha ng pagkakataon para depensahan ang sarili.
Agad na nasawi ang suspek na si Jeric Brondial, na itinuturong lider ng Brondial Criminal Group.
Sabi ng pulisya, mayroong mga warrant of arrest laban sa mga kawatan sa Makati City at Maynila para sa mga kasong frustrated murder, robbery at carnapping.
Tinamaan sa likod ang isang suspek.
Nakuha sa crime scene ang isang 9-mm na baril at dalawang motorsiklo na ginamit na mga holdaper.
Hindi naman na nabawi ang cellphone ng dalawang empleyado na tinangay ng mga magnanakaw.
Ayon sa ulat ng Southern Police District, nadakip nitong Miyerkules ng umaga sa Tramo, Pasay City, ang isa sa apat na suspek na tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Nakapagbigay na rin ng pahayag sa pulisya ang guwardiya.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa mga empleyado ng establisimyento pero tumanggi silang magbigay ng pahayag.
Nagpapatuloy naman ang pursuit operation ng pulis para mahuli ang mga nakatakas na suspek. — VDV, GMA Integrated News