Para matiyak na maipagpapatuloy ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan ang kanilang mga programa at proyekto, isinusulong ni House Speaker Martin Romualdez at iba pang mambabatas na gawing anim na taon mula sa tatlong taon ang tagal nila sa panunungkulan. Nilalakad din na magkaroon ng Social Security System (SSS) ang mga opisyal ng barangay.
Ang pagpapalawig sa termino ng mga barangay at SK officials ay nakasaad sa House Bill No. 10747 na inihain nitong August 12, base sa website ng Kamara de Representantes.
“Sa ganitong paraan, magkakaroon kayo ng sapat na oras upang magplano at magpatupad ng mga pang-matagalang programa para sa ikauunlad ng inyong barangay,” sabi ni Romualdez sa National Congress of the Liga ng mga Barangay nitong Martes.
Idinagdag pa ni Romualdez na makatutulong din ang term extension para hindi maabala ang mga programa at proyekto ng mga barangay at SK officials kapag may mga usapin tungkol sa kanilang halalan.
“Sa loob ng anim na taon, hindi na kayo maaabala ng mga isyung elektoral at makakapagtuon kayo ng buong atensyon sa serbisyo sa inyong mga ka-barangay. Makakabuo tayo ng matatag na pamumuno sa barangay at masisigurong sustainable ang mga proyekto at programa,” ayon kay Romualdez.
Kabilang din sa mga may-akda sa panukala sina Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr., Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, Tingog Party-list Representatives Jude Acidre and Yedda Marie Romualdez, at Isabela 6th District Rep. Faustino Dy V.
May katulad na panukala na inihain si Senador Imee Marcos sa Senado, na nagtatakda na dalawang magkasunod na termino na maaaring takbuhan ng barangay officials.
Sa Senate bill, iminungkahi na gawin ang susunod na barangay at SK elections sa huling Lunes ng October 2029, at idaraos na tuwing ika-anim na taon.
Nakatakdang gawin ang susunod na barangay at SK election sa December 2025, matapos na ilang beses na ipagpaliban.
SSS para sa barangay officials
Kasabay nito, sinabi ni Romualdez na isinusulong niya na magkaroon ng Social Security System (SSS) membership ang mga barangay official, na kaniya na umanong tinalakay kay SSS president Rolando Macasaet.
“Umaasa ako na sa lalong madaling panahon, lahat kayo ay magiging miyembro na ng SSS. Sa sandaling mangyari ito, agad na kayong mabibigyan ng life insurance at sa patuloy na pag-iipon natin sa pondo ng SSS, maaari din kayong mag-qualify sa lifetime pension,” ayon sa lider ng Kamara.
Ikinukonsidera rin ng Kamara na mag-apruba ng batas na magtatakda sa mga lokal na pamahalaan na maglaan ng pondo para sa monthly SSS premium contribution para sa mga barangay official.
Samantala, hinikayat naman ni Macasaet ang barangay officials na may unpaid loans na mag-apply para sa Conso Loan program, na nagpapahintulot na mabayaran nila ang mabayaran ang balanse ng prinsipal sa susunod na limang taon.—LDF, GMA Integrated News