Iniutos ng Office of the Ombudsman na tuluyan nang sibakin sa puwesto si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa grave misconduct.
Sa 25-pahinang desisyon, kasama sa pasya ng Ombudsman na walang makukuhang retirement benefits si Guo, at hindi na siya maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon sa Ombudsman, ang pagkakasangkot ni Guo sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kaniyang lugar ay pagpapakita ng “willful intent on her part to violate the law or disregard established rules.”
“The series of acts are interconnected leaving no other conclusion than that they were committed by Guo with ulterior motive or self-interest,” dagdag nito.
Batay sa reklamo na inihain ng Department of the Interior and Local Government, inaakusahan si Guo at iba pang lokal na opisyal ng nakagawa ng "grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty, and conduct prejudicial to the best interest of the service."
Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng kampo ni Guo sa pasya ng Ombdusman.
Patuloy na hinihanap si Guo para isilbi ang subpoena ng Senado laban sa kaniya dahil sa ilang beses na hindi niya pagsipot sa imbitasyon ng komite na nagsisiyasat sa usapin ng POGO operation sa bansa.
Nitong Martes, naglabas din ng subpoena ang Commission on Elections (Comelec) laban kay Guo kaugnay naman sa reklamong material misrepresentation na isinampa laban sa kaniya.
May petisyon din na inihaian sa korte sa Maynila para alisin sa puwesto si Guo.
Inaakusahan si Guo na nagsumite na mga pekeng impormasyon tungkol sa kaniyang tunay na pagkatao.
Batay sa mga lumabas na ulat at impormasyon mula sa pag-aaral ng National Bureau of Investigation (NBI), ang tunay na pangalan ni Guo ay Guo Hua Ping,” na isang Chinese, at hindi Pilipino.
Magkapareho rin umano ang fingerprint ni Guo ang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Nahaharap din si Guo sa mga reklamong human trafficking sa Department of Justice kaugnay sa sinalakay na POGO hub. --mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News