Dumami ang mga pasyente na tinamaan ng leptospirosis at dengue ngayong taon, ayon sa Department of Health DOH nitong Martes. Ang leptospirosis, tumaas ang kaso matapos ang magpabaha ang Habagat at Bagyong Carina.

Sa datos ng DOH, 255 ang mga bagong kaso ng leptospirosis mula July 21-August 3, na mas mataas ng 17% kumpara sa 217 cases na naitala mula July 7-20.

Sa kabuuan, umabot na sa 2,115 ang mga naitalang kaso ng leptospirosis, na mas mababa naman ng 23% kumpara sa 2,757 cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.

Mayroong naiulat na 224 nasawi ngayong taon dahil sa leptospirosis.

Nitong Lunes, pinaalalahanan ni Health Secretary Ted Herbosa ang mga lokal na opisyal na pagbawalan ang kanilang mga kababayan, lalo na ang mga bata, na maligo sa baha dahil sa peligro ng leptospirosis.

Nagsasagawa ngayon ng surge capacity plan ang ilang ospital sa Metro Manila dahil sa pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis.

Dengue

Samantala, tumaas naman ng 33% ang kaso ng dengue ngayong taon na mula sa 102,374 na umabot sa 136,161 kaso nitong August 3, batay pa rin sa DOH data.

Gayunman, mas mababa ang bilang ng mga nasawi sa dengue ngayon taon na 364, kumpara sa 401 noong nakaraang taon.

Naniniwala ang DOH na maaagang nagpapakonsulta ang mga tao ngayon sa ospital at mas mahusay ang pagtugon ng mga pagamutan sa naturang nakamamatay na sakit.

Ipinaalala ng DOH sa publiko ang 4S strategy laban sa dengue na: Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early consultation; and Support fogging or spraying in hotspot areas, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.—FRJ, GMA Integrated News