Nagtamo ng mga sugat ang isang motorcycle rider matapos siyang sumemplang dahil sa mga nahulog na plastic ng basura mula sa isang garbage truck sa may Ortigas Flyover.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nagtamo ng mga sugat sa braso at tuhod ang 27-anyos na lalaking rider nang sumemplang sa may northbound lane pasado 2 a.m.
Sinabi ng isang street sweeper na mabilis ang takbo ng truck.
Hindi makatayo ang rider, na agad namang nilapatan ng paunang lunas ng MMDA bago isinakay sa ambulansiya.
Nagmula ang rider sa Mandaluyong at pauwi na sana sa San Mateo, Rizal.
Matapos ang aksidente, iginilid ng mga street sweeper ang mga plastic ng basura. At binuhusan din ng tubig ang mga sebo na nagkalat sa kalsada.
Dalawang lane ng flyover ang pansamantalang hindi nadaanan ng mga motorista kaya bahagyang bumagal ang daloy ng mga sasakyan.
Patuloy na inaalam ng MMDA ang plate number ng garbage truck. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News