Dinakip ang isang 21-anyos na lalaking rider na may modus na pag-aaya sa mga babae na mag-road trip, bago tatangayin ang kanilang mga gamit sa Tanay, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing inaresto ang lalaki matapos makipaghabulan sa Tanay Police.
Inilahad ng Tanay Municipal Police Station na isang biktima ang dumulog sa kanila at ini-report ang suspek na si alyas “Gelo” na tumangay umano ng kaniyang mga gamit nang baybayin nila ang kahabaan ng Marilaque Highway 2 a.m. noong Biyernes.
Ayon pa sa pulisya, nakilala ng biktima ang suspek online.
Sinundo ng suspek ang biktima sa Quezon City, kung saan inilagay muna ng biktima ang kaniyang mga gamit sa U-box ng motor.
Pagkarating sa Tanay, inalok ng suspek ang babae na makipagpalitan sa pag-drive ng motorsiklo. Pagpayag ng biktima at nakababa na siya ng motorsiklo, doon na humarurot ang lalaki.
"Pumayag naman po siya. Wala naman po nangyari. Bale ang pakay ko lang po ‘yung gamit niya po,” sabi ng suspek.
Nahanap ng kapulisan ang suspek kalahating oras makalipas ang krimen, kung saan nabawi sa kaniya ang cellphone at iba pang gamit ng biktima.
“Pagdating nila sa Marilaque at actually madilim na. Nu’ng si suspek na ‘yung nakasakay, iniwan niya si girl doon sa madalim na lugar sa Tanay,” sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal PIO.
Umamin ang suspek sa modus, na nakaraang taon pa umano niya sinimulan. Nasa limang mga babae na umano ang kaniyang nabiktima.
“Aayain ko po silang gumala. Tapos mag-aabot na lang ako pambayad, ganu’n po. Bale kapag nakakuha lang po ng tiyempo, iiwan po. Random ko lang po silang pinipili,” saad ng suspek.
Kasalukuyang nakadetene ang suspek sa custodial facility ng Tanay Municipal Police Station. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News