Nilinaw ni Transportation Secretary Jaime Bautista na hindi galing sa CCTV camera ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang nag-viral na larawan ni Vice President Sara Duterte habang nasa airport para bumiyahe umano sa Germany na nataon sa kasagsagan ng pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina.
“Hindi galing sa CCTV ‘yon ng MIAA,” matipid na pahayag ni Bautista sa mga mamamahayag nitong Lunes, na sinabing walang CCTV sa naturang lugar at maaaring sa ibang pasahero galing ang kuha.
Ginawa ni Bautista ang paglilinaw kasunod ng puna ni Duterte noong nakaraang linggo tungkol sa seguridad sa mga paliparan at pagbibigay proteksyon sa privacy ng mga pasahero, lalo na ang mga bata.
"Subalit ang Pilipinas ngayon ay may mga opisyal ng paliparan na tikom-bibig ukol sa banta ng seguridad, at hindi man lang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon tuwing may banta tulad ng pagpapasapubliko ng video footage, flight details at iba pang maseselang impormasyon ng mga pasahero, kahit pa ng mga menor de edad," ayon kay Duterte.
Paniwala ni Duterte, malisyoso ang pagpapalabas ng video footage ng kaniyang pamilya sa paliparan.
“Kuha sa isang lugar kung saan pawang mga empleyado lamang ng paliparan at piling mga tao ang maaaring nandoon. Hindi na baleng ako, ngunit nakuha at naisapubliko rin sa naturang video ang aking asawa at mga menor de edad na anak na naging isang malaking banta sa kanilang seguridad,” anang pangalawang pangulo.
Una nang iniulat na personal ang naturang biyahe ni Duterte na kasama ang kaniyang pamilya.
Bagaman kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) ang naturang biyahe na tianawag na "unfortunate” dahil nasabay sa pananalasa ng bagyo, hindi naman ito nagbigay ng iba pang detalye.
Idinagdag pa ng OVP na may travel authority mula sa Office of the President ang naturang biyahe.— FRJ, GMA Integrated News