Natigmak ng dugo ang inuman ng apat na magkakaibigan sa isang bahay sa Caloocan matapos silang pagbabarilin. Patay ang nagdiriwang ng kaarawan, pati ang isa pa niyang kasama.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen kaninang hatinggabi sa Barangay 176, sa Bagong Silang.
Nasawi ang nagdiriwang ng kaarawan na si Enrico Madriga, 25-anyos, at ang kaibigan niyang si Lenard Nogal, 25-anyos. Kapuwa sila nagtamo ng tama ng bala sa ulo.
Isa pa ang sugatan na dinala sa ospital, habang nakaligtas naman ang isa na nataon na nasa banyo umano para umihi nang mangyari ang pamamaril.
Labis ang hinagpis ni Lanie Madriga, ina ni Enrico, sa sinapit ng kaniyang anak na ipinagpaluto pa raw niya ng pansit dahil hiniling nito.
Hindi rin matanggap ni Jomar Nogal, ang sinapit ng kaniyang anak na si Lenard, na parang pusa umanong pinatay.
"Kahit sabihin natin na ang mga anak sumasagot sa magulang hindi po natin matitiis yon. Tapos makikita mo sa sahig patay," hinanakit niya kasabay ng panawagan ng hustisya.
Ang ina ng nakaligtas, sinabing nakauwi ang kaniyang anak na nanginginig na ikinuwento ang nangyaring krimen.
Mabuti na lang umano at hindi pinasok ng mga salarin ang banyo kung nasaan siya at umiihi nang mangyari ang pamamaril.
Ipinatawag na siya ng pulisya para makuhanan ng salaysay.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa krimen at ilan ang salarin.
Limang basyo at dalawang tingga ng bala ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.--FRJ, GMA Integrated News