Nais ni Carlos Yulo na ang mga kapuwa niya atleta na sumabak at ang mga patuloy na lumalaban pa sa Paris Olympics ang pag-usapan sa halip na ang naging problema sa kaniyang pamilya.
Sa nakaraang panayam sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Carlos na matagal na niyang napatawad ang kaniyang ina nang hingan ng komento tungkol sa press conference ng huli noong Huwebes.
BASAHIN: Carlos Yulo, inilahad ang dahilan ng hidwalaan nila ng kaniyang ina
BASAHIN: Angelica Yulo, aminadong 'di siya perpektong ina; humingi ng tawad kay Carlos
"Matagal ko na pong napatawad ang parent ko po," ani Yulo. "Sa'kin lang po, personal na po namin itong problem, ayaw ko na rin po masyado 'tong pag-usapan."
Mas nais ni Yulo, nakakuha ng dalawang gold medal sa Olympics na pag-usapan at ipagdiwang ang mga atletang Pinoy na sumabak at patuloy pang lumaban sa kompetisyon.
"Nandito po tayo ngayon sa Olympics. Gusto ko pong i-celebrate natin ang pinaghirapan ng mga atleta at nakamit ng mga atleta. Sobrang proud po ako sa mga atletang Pilipino na ipinaglaban ang Pilipinas," saad niya.
"Alam ko may mga natalo tayo sa ibang atleta pero sobrang proud po ako sa kanila sa dedication, effort, and pag-show up po nila sa araw na 'yun. Nasa inyo ang suporta ko, mahal na mahal ko kayo," dagdag ni Yulo.
Nitong Huwebes, humingi ng tawad ang ina ni Yulo na si Angelica, at hangad na maayos na ang kanilang problema.—FRJ, GMA Integrated News