Sa kulungan ang bagsak ng isang 19-anyos na Grade 11 student dahil sa panggagahasa umano sa isang 15-anyos na babae sa Quezon City. Giit ng suspek, may relasyon sila ng biktima.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga operatiba ng Anonas Police Station habang kumakain pa sa isang fast food restaurant sa Caloocan ang suspek.

Subject ng warrant ang lalaki para sa kasong two counts ng statutory rape.

Inilahad ng pulisya na dumulog sa kanila ang magulang ng biktima na taga-Quezon City. Nakumpirma nila ang ibinigay na impormasyon sa e-warrant.

Base sa imbestigasyon ng QCPD, naganap ang krimen noong Pebrero.

Nakabilanggo ngayon sa Anonas Police Station ang suspek na iginiit na hindi niya alam na may warrant laban sa kaniya.

“Hindi ko po siya pinilit. Girlfriend ko po siya. Ayaw po kasi sa akin ng mga magulang niya po. Pero po, gusto po ako ng girlfriend ko,” sabi ng suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News