Ibabalik ng Philippine National Police (PNP) kay Vice President Sara Duterte ang mga pulis na taga-Davao na kabilang sa 75 security detail na naunang tinanggal sa pangalawang pangulo.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, hiniling ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay PNP Chief Police General Rommel Marbil na ibalik kay Duterte ang mga pinagkakatiwalaan nitong security personnel na mula sa Davao.
“Pakiusap ko kahit 'di mo ibalik same number na tinanggal mo, ibalik mo lang mga taga-Davao na palagay ang kalooban niya [Duterte]. Tanggalin mo na lang yung 'di mo na kilala. Puwedeng ibalik mo, can I get your commitment?” sabi ni Bato kay Marbil sa isang Senate hearing.
“Of course your honor,” tugon naman ni Marbil sa senador.
Nitong nakaraang Hulyo nang alisin kay Duterte ang 75 pulis na bodyguard kaugnay umano sa ginagawang pagsasaayos sa pagtatalaga ng mga pulis.
Sa kabila ng naturang bilang na inalis na security detail, mayroon pa umanong 31 pulis na nananatiling nagbibigay ng seguridad kay Duterte, bukod pa sa 358 na tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Marbil, batay sa pagsusuri ng Presidential Security Command, wala silang namomonitor na banta sa seguridad ni Duterte.
Nilinaw din ni Marbil na walang pulitika sa likod ng pag-alis ng mga security detail ni Duterte. -- FRJ, GMA Integrated News