Mula sa pagdadalamhati sa pagpanaw ng dati niyang alagang aso, nanumbalik ang saya ng isang ina matapos mag-alaga ang kaniyang mga anak ng isang panibagong pet sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang reaksyon ng 69-anyos na si Eden Gomez nang magpaalam ang kaniyang anak na si Ishi Atasha na bibili siya ng alagang aso.
“Tigilan mo nga ako diyan!” tila may pagsusungit na sabi ni Nanay Eden.
Gayunman, pursigido si Ishi at ang kaniyang kuya na magkaroon ng alaga. Sa kabila ng pagtutol ng kanilang Mommy Eden, bumili pa rin sila.
“Tapos mamaya inilabas nu’ng kuya niya, ‘Ipakita mo na.’ Sabi niya ‘Wala namang magagawa na ‘yan eh ‘pag nandiyan na eh. Sabi ko ‘Ano ‘yon?’ Naku noong makita ko, ‘Diyos ko!’ Isa na namang kakong aso baka mamaya ‘pag na… ‘Yung first na makita ko siya, wala na, kasi cute eh, sabi ko ‘Wow! Ang ganda naman, ang cute!’” kuwento ni Nanay Eden.
“Wala na, no choice kundi kargahin ko nang kargahin,” sabi pa ni Nanay Eden.
Nagpalambot sa puso ni Nanay Eden ang isang cute na Pomeranian, na pinangalanan nilang Miri.
Todo sa pag-aalaga si Eden kay Miri at parang sanggol na rin kung ituring niya ito
“Sabi ko ‘Ano ba ‘yan, ano nang nangyari riyan bakit bumaba ‘yung kaniyang [balahibo]? Ipinakita namin sa vet, normal naman daw ‘yun kasi nagpapalit kasi ng balahibo,” sabi ni Nanay Eden.
Nilinaw ni Ishi na pet lover talaga si Mommy Eden.
Katunayan, bago pa dumating ang bago nilang pet na si Miri, may dati na silang alagang pitbull na si Polgas.
Sa kasamaang palad, namaalam na ito noong nakaraang buwan.
Magmula noon, ipinagbawal na ni Eden ang pag-aalaga ng aso sa kanilang bahay.
“Nalulungkot din po kasi rin ako kay Mama, na nakikita ko siyang nalulungkot kasi nawala na po ‘yung aso namin. Kinausap ko po ‘yung kapatid ko noon, si Mama nalulungkot wala na si Polgas,” sabi ni Ishi.
“Bigla na lang nawala. Parang ang hirap po, mahirap po eh, ang hirap. Though wala tayong magagawa, kung doon napunta,” sabi ni Mommy Eden.
Naka-move on na ngayon sina Nanay Eden sa pagkawala ni Polgas at mabuting napapawi na ang kanilang kalungkutan dahil kay Miri.
Ibinili na rin nila si Miri ng “kapatid”na isa ring Pomeranian na pinangalanan nilang si Coco. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News