Kahit binawasan ng 75 pulis ang security detail, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla na mayroon pang mahigit 300 bodyguards si Vice President Sara Duterte.
Inihayag ito ni Remulla nitong Huwebes, kaugnay sa ginawang hakbang ng pamunuan ng Philippine National Police sa pag-alis sa 75 pulis na nakatalaga kay Duterte.
“Meron pa siyang 320 security personnel. I don’t think it’s a bad matter to recall some of the personnel. She still has 300 bodyguards. It’s bigger than the president’s,” sabi ni Remulla sa press briefing nang hingan ng komento tungkol sa naturang usapin ng seguridad ng pangalawang pangulo.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng Office of the Vice President kaugnay sa sinabi ni Remulla, partikular sa bilang ng mga nakatalagang bodyguard ni Duterte.
Una rito, binatikos ni Duterte si PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil, na siyang naglabas ng kautusan na alisin ang 75 miyembro ng PNP Police and Security Group na nakatalaga sa kaniya na magbigay ng seguridad.
Tinawag ni Duterte na "political harassment" ang naturang ginawa ni Marbil. Gayunman, itinanggi ng tagapagsalita ng PNP ang akusasyon ng pangalawang pangulo.
Nagpahayag din ng pangamba si Duterte sa kaligtasan ng kaniyang pamilya.
Sinabi naman ni Marbil na ang direktiba na i-rationalize ang pagtatalaga ng PSPG personnel ay upang mabigyan ng prayoridad ang mga mayroong high-security threats.
Tiniyak naman ni Marbil na patuloy na binibigyan ng PNP ng "top-tier security services" si Duterte, at sinabing "most extensive security detail compared to her predecessors." — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News