Inabisuhan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko at mga healthcare professional laban sa pagbili at paggamit ng pekeng paracetamol tablets.
Sa abiso na pirmado ni FDA Director General Samuel Zacate, ipinakita rito ang larawan ng pekeng paracetamol (Biogesic®) 500 mg tablet na may ibang lot number, capsule, knurling, at hitsura ng imprenta kumpara sa tunay na paracetamol.
Paalala ng FDA sa publiko, sa mga FDA-licensed establishment o botika lamang bumili ng gamot dahil maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang pag-inom ng mga pekeng gamot.
Nagbabala rin ang FDA sa mga establisimyento na huwag magbenta ng mga pekeng gamot dahil maaari silang kasuhan.
“Ang pag-a-angkat, pagbebenta at pamamahagi nito ay paglabag sa Republic Act No. 9711 or the Food and Drug Administration Act of 2009, and Republic Act No. 8203 or the Special Law on Counterfeit Drugs. Ang sino mang mapatunayang nagbebenta ng nasabing pekeng produkto ay mapaparusahan,” nakasaad sa abiso ng FDA.
Nanawagan din ang FDA sa lokal na pamahalaan at mga awtoridad na tiyaking hindi maibebenta sa merkado ang mga pekeng gamot sa kani-kanilang nasasakupan. —FRJ, GMA Integrated News