Tinawag ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na kahiya-hiya na hindi mahanap ng Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies ang suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo para masilbihan ng arrest warrant. Ang pinuno ng National Bureau of Investigation (NBI), nakiusap kay si Guo na "sumuko" na lang.

"Oo, nakakahiya, kahiya-hiya para sa PNP na hindi magawa ito, lalo na na nandito pa naman daw sila sa bansa, ayon sa Bureau of Immigration," sabi ni Escudero sa ambush interview nitong Martes.

Tinukoy din ni Escudero ang iba pang akusado na may kasong kriminal na mayroon ding mga arrest warrant na hindi pa rin nahuhuli ng mga awtoridad.

"‘Di ba maraming akusado na mas malala pa nga ang krimen, mas malalaki pa ‘yung mga kaso na hindi nila nahuhuli," anang lider ng Senado.

Kabilang sa mga kilalang personalidad na may arrest warrant pero hindi nahuhuli ay si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, na nahaharap sa kasong pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at inmate na si Jun Villamor.

Hinahanap din at may arrest warrant laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy na may iba't ibang kasong kinakaharap kabilang ang child abuse.

Pero sa kabila ng mga kabiguan ng PNP at NBI, sinabi ni Escudero na hindi niya irerekomenda na bawasan ang budget ng naturang mga ahensiya.

"E di lalo nilang hindi makikita ‘yung iba. Again, hindi naman ito carrot and stick [na] paparusahan mo kapag may mali, kapag hindi naubos ang budget. Kailangan tingnan natin lahat ng circumstances sa paligid noon," paliwanag niya.

Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, nagbabala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, na posibleng matapyasan ang pondo ng NBI at PNP kapag hindi nila nahanap si Guo sa loob ng isang buwan.

PAKIUSAP NG NBI

Samantala, nakiusap naman si NBI Director Jaime Santiago nitong Martes na sumuko na lang sa mga awtoridad si Guo na inisyuhan ng Senado ng arrest warrant.

“[Kung] nakikinig si Mayor Alice, no, wala namang problema na hindi na-solve. Puwede siya makipag-usap, sumuko siya sa Senate, um-attend siya ng hearing. Lahat yan maayos,” sabi ni Santiago sa press briefing.

Nilinaw ni Santiago na wala pang pormal na kaso na isinasampa laban kay Guo, bagaman may kinakaharap itong reklamo sa Department of Justice kaugnay sa POGO hub sa kaniyang bayan.

Ang arrest warrant na inilabas ng Senado laban kay Guo ay dahil sa ilang ulit nitong hindi pagdalo sa pagdinig ng komite na nagsisiyasat sa operasyon ng POGO.

“Wala pa siyang charges.So kung ako si Mayor Alice, makipag-ugnayan ka na sa Senate nang matapos na itong usapin,” payo ni Santiago. “Sana, ito ngayon, sa pakiusap ko sana naririnig ni Mayor Alice. Hindi siya madedehado kapag sa akin siya sumuko.” -- mula sa ulat nina Hana Bordey, Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News