Kalunos-lunos ang sinapit ng isang motorcycle rider na nagkalasog-lasog matapos na magulungan na, nakaladkad pa umano ng isang dump truck sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dead on the spot ang biktima pasado 10 p.m. ng Biyernes.
Ayon kay Mark Fer Oreo, traffic constable ng MMDA, napansin niyang may trapiko sa northbound lane ng EDSA Cubao kahit gabi, hanggang sa makita niya ang nakaparadang truck at isang tao sa ilalim nito.
Pahirapan ang pagkuha sa biktima kaya gumamit pa ng fork lift ang MMDA upang maitaas ang unahang gulong ng truck.
Sinabi ng driver ng truck na nagmula siya sa Rizal at papunta sana ng Pasay para mag-deliver ng graba.
Pagkarating niya sa tunnel ng EDSA Cubao, dito na niya napansin ang biktima na nagpapalipat-lipat ng linya.
"Um-overtake po siya sa may gawi kong kaliwa, ang problema, may lubak, iniwasan niya, na-drag po 'yung motor niya tapos sakto namang pagdating ko, hindi na kinaya ng preno," sabi ng truck driver.
Nakaladkad pa ang motorcycle rider ng truck ng halos 30 metro bago tuluyang nakahinto.
Dahil dito, sinabi ng MMDA na posibleng mabilis ang takbo ng truck at halos masakop na nito ang EDSA busway.
Ayon sa MMDA, dumaan ang nasawing rider sa bus lane, na para lamang sa mga bus at authorized vehicles.
Dinala sa Traffic Sector 4 ng QCPD ang truck driver, na mahaharap sa reklamong reckless driving resulting in homicide. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News