Sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa gobyerno at klase sa mga paaralan sa lahat ng antas sa Metro Manila, Regions 3, at 4A sa Huwebes, July 25, bunga ng matinding baha na naranasan sa nabanggit na mga lugar bunsod ng ulan na dulot ng Habagat at super typhoon Carina.
Sa isang pahayag, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang pagsuspinde sa mga trabaho ay makatutulong sa rescue, recovery, relief at rehabilitation efforts ng gobyerno at pribadong sektor.
Gayunman, tuloy naman sa kanilang mga tungkulin ang kawani na nasa mga ahensiya ng pamahalaan na maghahatid ng basic and health services, naghahanda at tumutugon sa mga biktima ng kalamidad.
Ipinapaubaya naman sa pamunuan ng mga pribadong kompanya at tanggapan ang pasya kung magsusupinde rin sila ng trabaho sa Huwebes.
Dahil sa matinding baha na naranasan ng Metro Manila, isinailalim ng Metro Manila Council ang rehiyon sa state of calamity nitong Miyerkules.
Maliban sa mga kalsada sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila, nalubog din sa baha ang bahagi ng North Luzon Express at Skyway ramps kaya hindi madaanan ng mga sasakyan.
Nitong Miyerkules ng hapon, lumakas pa si Carina na naging super typhoon at inaasahang tatama sa kalupaan ng Taiwan sa Miyerkules ng gabi. —FRJ, GMA Integrated News