Lumakas pa at isa nang Super Typhoon ang bagyong Carina, ayon sa inilabas na abiso ng PAGASA nitong Miyerkules ng hapon. Inaasahan umano na tatama ito sa kalupuan ng Taiwan mamayang gabi.
Dakong 4 p.m., namataan ang gitna ng bagyo sa 380 km north ng Itbayat, Batanes, taglay ang pinakamalakas na hangin na aabot sa 185 km/h malapit sa gitna, at pagbugso ng hanggang 230 km/h.
Kumikilos ito pa-northwestward sa bilis na 20 km/h.
Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes, at Signal No. 1 naman sa mga sumusunod na lugar:
- Babuyan Islands
- northern portion of mainland Cagayan (Claveria, Santa Praxedes, Sanchez-Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Santa Ana, Gonzaga)
- the northern portion of Ilocos Norte (Burgos, Bangui, Pagudpud, Dumalneg, Adams)
“Yung may warning, signals 2 and 1, patuloy pa rin na makakaranas ng masungit na panahon… Samantala, dahil nga sa patuloy na pagkilos nitong si Carina, na-track na very favorable for the continuous enhancement of Habagat,” ayon kay PAGASA Assistant Weather Services Chief Chris Perez sa panayam ng GMA Integrated News Bulletin.
Magdudulot pa rin ng pag-ulan ang Habagat sa Metro Manila, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Occidental Mindoro, at natitirang bahagi ng Ilocos Region, at paminsan-minsang pag-ulan sa natitirang bahagi Cordillera Administrative Region, Nueva Ecija, at nalalabing bahagi ng CALABARZON.
Maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan aat thunderstorms ang mararanasan sa Western Visayas, Negros Island Region, at nalalabing bahagi ng Luzon, at ganoon din sa nalalabing bahagi ng bansa.
Posible umanong mangyari ang flash floods at landslides sa ganitong lagay ng panahon.
Nitong Miyerkules, nakaranas ng matinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa ulan ng dulot ng Habagat at bagyong Carina.
WATCH: Ilang lugar sa Metro Manila na nalubog sa baha
Inaasahan na tatama si Carina sa kalupaan sa northern portion ng Taiwan sa Miyerkules ng gabi.
Sa Huwebes ng umaga, inaasahang tuluyan nang makalalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.
''Carina has reached its peak intensity as Super Typhoon prior to its landfall over Taiwan due to favorable environment. Its landfall over northern Taiwan will trigger a weakening trend for the rest of the forecast period,'' ayon sa PAGASA. —FRJ, GMA Integrated News