Kabilang ang Metro Manila sa mga lugar sa Luzon na matinding naapektuhan ng malakas na buhos ng ulan na dulot ng Habagat at Super Typhoon Carina.
Ngayong Miyerkules, isinailalim na sa state of calamity ang Metro Manila matapos malubog sa baha ang maraming lugar. Ang ilang kabahayan, umabot sa ikalawang palapag ang tubig.
Nag-alok ang ilang mall na gamitin ang kanilang mga parking area nang libre sa magdamag. Nagpapagamit din sila ng WiFi, at may phone charging stations.
Panoorin ang ilang ulat ng GMA Integrated News sa sitwasyon ng mga binahang lugar sa Metro Manila.
May sasakyan na naman na nalubog sa bahagi ng Mother Ignacia sa Quezon City na patungo sa EDSA, na madalas binabaha kapag malakas ang ulan.
Hindi na rin madaanan ng mga sasakyan North bound ramp ng Skyway sa bahagi ng Araneta Avenue dahil sa lalim ng baha.
Baha pa rin sa Bayanihan St. Maricaban, Pasay City na pumasok na mga bahay. Wala ring kuryente sa lugar.
Samanatala, lampas-tao na ang tubig sa ilang bahagi ng Barangay 598 sa Maynila. Sa kabila nito, may mga residente na nananatili sa ikalawang palapag ng kanilang mga bahay.
Nalubog din sa baha ang ilang kabahayan sa Barangay Sto. NiƱo sa Marikina City. Umabot sa ikatlong alarma ang Marikina river kaya nagkaroon na ng sapilitang paglilikas sa mga tao. Ang ilang bahay, bubong na lang ang makikita.
Malakas na ulan at hangin, nararanasan sa Mel Lopez Blvd., Navotas City, na nagpabaha sa mga lansangan.
--FRJ, GMA Integrated News