Isinailalim sa state of calamity ang National Capital Region matapos malubog sa baha bunga ng ulan na dulot ng Habagat at bagyong Carina ngayong Miyerkules.
Ang Metro Manila Council (MCC) ang gumawa ng desisyon matapos ang pagpupulong na pinangunahan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
“There is a motion to declare Metro Manila in state of calamity by Mayor Francis Zamora and Chairman Don, seconded by Mayor Lani Cayetano, the motion is hereby approved. Metro Manila is now in a state of calamity,” ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Sinuportahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes at Taguig Mayor Lani Cayetano ang mungkahing magdeklara ng state of emergency.
Inaprubahan ng MMC ang mungkahi matapos pumabor ang 12 sa 17 lokal na opisyal. Hindi nakadalo sa pulong ang lima na hindi bumoto.
Sa pagdeklara ng state of calamity, maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan ang kanilang emergency funds para sa relief operations ng mga residente na naapektuhan ng kalamidad.
Maraming lugar sa Metro Manila ang nalubog sa baha bunga ng walang tigil na pag-ulan simula nitong Martes bunga ng bagyong Carina at habagat.
Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na desisyon ng mga alkalde ng Metro Manila ang pagdeklara ng state of calamity sa rehiyon.
"Usually, ang state of calamity is the LGU (local government unit) executive.'Pag regional, it's because nagkasabay-sabay. Pagka three regions ang involved then already the national has to come in. That's a national calamity already wala na kaming choice don, pasok na ang national," paliwanag niya.
"But it's up to the local communities to decide because they know best. They know best what they need. 'Yung pagdeklara ng state of calamity, it is also to access funds para makapag-access din sila ng funds kasi nauubos na 'yung kanilang emergency na reserve eh kukuha sila sa national. So that's what we're working on now," sabi pa ng pangulo.
Dahil na rin sa patuloy na pag-ulat at baha, sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno, at maging klase sa Metro Manila ngayong Miyerkules.
Marami ring lugar sa labas ng Metro Manila ang sinuspinde ang klase.—FRJ, GMA Integrated News