Gumuho ang ilang mga bahay sa Isla Puting Bato dulot ng malakas na pag-ulan sa Tondo, Maynila. Ang ilang residente, wala nang naisalbang mga gamit.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang isang video ng pilit na pagsagip ng dalawang lalaki sa isang bahay nang gumuho sa dagat nitong Lunes.
Lumulutang na rin sa dagat ang mga natangay na bahay.
Dahil dito, pinalikas ng lokal na pamahalaan ang mga apektadong residente.
Inilahad ng mga residente na kahit maulan na noong umaga pa lang ng Lunes, hindi nila inasahang bibigay ang mga bahay dahil sanay na silang binabayo ng malakas na hangin at ulan ang isla kapag may bagyo.
Ngunit pagdating ng bandang hapon, isa-isa nang gumuho ang mga bahay at inanod ng dagat.
"Noong hapon na po, mga medyo ala-una, alas-dos, bigla pong humabagat. Lumaki ang alon, kaya 'yung mga bahay namin inangat ng baha, tapos na-wash out po 'yung pinakadulo namin. Tapos 'yung daanan po namin, 'yung pinakaapakan po namin, nabagsak," sabi ni Bombom Andia, barangay volunteer.
Sa kasalukuyan, 25 pamilya ang nasa modular tents sa Delpan Evacuation Center.
Sinabi ng barangay na isa ang sugatan ng aksidente siyang matamaan sa ulo ng matalas na bagay.
Namigay ang Manila LGU ng mga pagkain, hygiene kits at iba pang kakailanganin ng bawat pamilyang lumikas Lunes ng gabi.
Nananawagan ang ilan sa mga evacuee na nakausap ng GMA Integrated News na matulungan silang muling mapagawa ang kanilang mga nasirang bahay.
Hiling naman ng iba, mas mainam kung ma-relocate na lang sila upang maiwasan na ang mga susunod na insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News