Nasawi ang isang babae matapos sumiklab ang sunog sa Barangay Bagong Barrio bago magmadaling araw ng Martes sa Caloocan City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng Bureau of Fire Protection na edad 59-anyos ang biktima.
Sumiklab ang apoy bago mag-4 a.m. sa may Arellano Street.
Itinaas ng BFP sa unang alarma, at lima nilang firetruck ang tumugon sa sitwasyon, kasama ng fire volunteers.
Sinagip ng mga residente ang kanilang mga ari-arian ngunit nabigo ang ilan.
Isang residente na sumasailalim sa dialysis ang nagsabing ginising siya ng mga kapitbahay habang kumakalat ang apoy.
Samantala, sinagip ng mga bumbero ang isang na-trap na batang lalaki.
Ayon sa isang team leader ng Barangay 133, posibleng nakasinding kandila na hindi agad nabantayan ang pinagsimulan ng sunog.
Nagdeklara ng fire out ng 6 a.m. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News