Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin ng isa pang lalaki na kaniyang sinuntok sa Tondo, Maynila.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng may kinalaman sa droga ang kanilang alitan.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood ang isang lalaking nakaputi na bumaba ng tricycle, ngunit napabalik nang mamataan ang isang lalaking nakasuot ng green sa Masinop Street pasado 10 p.m. nitong Huwebes.

Ilang saglit lang, bumaba ng tricycle ang isa pang lalaking nakaputi.

Lumayo ang dalawa, ngunit sinundan pa rin sila ng lalaking naka-green.

Maya-maya pa, sinuntok na ng isa sa mga lalaking nakaputi ang lalaking naka-green, ngunit gumanti ito at binaril ang nanuntok sa kaniya bago tumakas.

Ligtas ang isa pang lalaki.

Tinamaan sa pisngi ang biktima, na naidala pa sa ospital ngunit nasawi rin kalaunan.

Sinabi ng barangay na hindi mga residente sa lugar ang suspek at biktima, na dumayo lang sa kanilang lugar.

Hinahawakan na ng MPD Homicide ang kaso samantalang patuloy na hinahanap ang nakatakas na suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News