Timbog ang isang lalaki na nang-hold up sa isang coffee shop matapos siyang sumemplang sa kaniyang motorsiklo at maabutan ng mga awtoridad sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing hinabol ang suspek ng may-ari ng establisimyento, at nagkataon namang may mga nagpapatrolyang pulis sa lugar kaya ito nagpasaklolo, ayon kay Police Master Sergeant Rod Pating, investigator on case ng San Jose del Monte Police.
Sugatan ang suspek matapos sumemplang.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na umorder pa ng kape ang 37-anyos na suspek bago isagawa ang krimen.
Nabawi mula sa lalaki ang ninakaw niyang limang cellphone at isang wallet.
Nakuha rin sa kaniya ang isang baril na kargado ng mga bala.
Inilahad ng pulisya na bago nito, nang holdap din ang suspek ng isang vape shop kamakailan.
"Ang modus po ng suspek natin ay nagdadala siya ng baril at pumapasok sa mga maliliit na tindahan at doon po siya nagdideklara ng hold up. At puwersahan niyang kinukuha... karamihan na kinukuha nito, cellphone, mabilisan po. Pagkatapos niya mang hold up po, nagbibihis po itong si suspek natin, nagpapalit po siya ng damit," sabi ni Pating.
Umamin ang suspek sa krimen.
"Totoo po 'yun. Dala po ng problema po. Gipit din. Tsaka single parent po ako. Tapos buntis din po kasi yung asawa ko, hiwalay kami," sabi ng suspek.
Nahaharap siya sa reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News