Inihayag ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Huwebes na batay sa lumalabas na mga impormasyon tungkol sa ginagawang New Senate Building (NSB), lumalabas na ito ang pinakamahal na gusali sa bansa ngayon.
Inihayag ito ng senador sa pulong balitaan at sinabing nakakuha pa siya ng iba pang mga dokumento patungkol sa ginagawang gusali na maaaring magpataas pa sa gastusin nito na aabot ng hanggang P27 bilyon.
“The P25 to 27 billion [projected cost ng NSB] could be a little bit conservative pa pala...It’s coming out to be the most expensive building in the country so far and we will still try to remedy that," ayon kay Cayetano na chairman ng Senate accounts committee na nagsasagawa ng pagrepaso tungkol sa proyekto.
“Developing yung story. This week kasi I found out na maraming itinatago sa atin. Kung sino ang nagtatago at bakit tinatago, I haven't gotten to that [yet]. But we finally received caches na halos half room full of documents and we're getting through it,” sabi pa ng senador.
Isa sa mga tinukoy ni Cayetano ang facade ng gusali na nagkakahalaga ng P1 bilyon, na pinalitan kinalaunan ng P498 milyon, at ngayon ay nagkakahalaga na umano ng P2.9 bilyon.
Umapela si Cayetano sa dating pinuno ng komite na kaniyang pinalitan na si Sen. Nancy Binay, pati na sa Senate Coordinating Team (SCT) at Department of Public Works and Highways (DPWH)--namamahala sa proyekto-- na sabihin na ang buong katotohanan tungkol sa gastusin sa itinatayong gusali.
"Tell the whole truth. What we’re doing is the review. If they came forward and gave us everything, we would have decisions by now,” ayon sa senador.
“They are not being forthright. That’s not good kasi nga hindi natin ma-evaluate nang mabuti [ang NSB],” dagdag pa niya.
Ayon kay Cayetano, nais niyang makagawa ng technical decisions tungkol sa NSB sa Agosto para maiwasan ang pagkaantala pa ng proyekto na magiging dahilan ng dagdag na gastusin.
Nagsagawa ng pagsusuri ang komite ni Cayetano tungkol sa NSB matapos punahin ni Sen. Francis Escudero ng kauupo pa lang noon bilang Senate President, na umabot na umano sa P23 bilyon ang pondo para sa bagong gusali ng Senado na itinatayo sa Taguig.
Sa nakaraang pagdinig ng komite, inihayag ng DPWH na maaaring umabot ng P27 bilyon ang gastos sa NSB.
Sa naturang komite, nagkaitan sina Cayetano at Binay, na nauwi sa pagsasampa ng reklamo ng huli sa Senate Ethics committee laban sa una.
Kasunod nito, sinabi ni Senador Francis Tolentino, chairman ng ethics panel, na magkakaroon ng closed-door conciliation meeting para sa dalawa kapag naayos na nila ang bago nilang patakaran sa pagdinig.
Nitong Huwebes, tinawag ni Cayetano na "good idea" ang planong conciliation meeting sa kanila ni Binay pero hindi raw magbabago ang kaniyang atensyon sa ginagawa niyang pagsusuri sa gastos sa NSB.
"It’s a good idea na magka-conciliation, but in this case kasi this is all about the Senate Building, the delays, and the costs,” sabi ni Cayetano. "For as long as 'wag lang maapektuhan 'yung resulta nung review...ibig sabihin, secondary 'yung relationship namin. Secondary 'yung, if I can use the word ‘tampuhan’. As I said, I’m not perfect I apologize to the public... I will not be distracted by Senator Nancy or the Ethics Committee..." --mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News