Nahuli sa CCTV camera ang dalawang pulis-Maynila na walang suot na helmet habang nagmomotorsiklo na sinaktan at pinagbantaan umano ang isang traffic enforcer sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Mabolo nitong madaling araw ng July 14.
Tinukoy ang mga sangkot na pulis sa insidente na sina Police Staff Sergeant Ernesto Camacho at Police Staff Sergeant Robert Cabudoy, na nakatalaga sa isang police station sa Maynila.
Nakita sa CCTV footage na sakay din ng motorsiklo ang biktimang enforcer na si Ronaldo David, na pinalo ng baril sa sikmura ng isa sa mga pulis.
Ang isang pulis, sinabi ni David na nagbanta sa kaniyang papatayin siya.
“Si sir Cabudoy po, gumaganun sa baril niya. Paglapit niya sa akin, nakaganito sa baril, sabi sa akin, ‘Gusto mo patayin na kita rito?’” ayon sa biktima.
Nagsimula raw ang insidente nang magkasabay sila sa isang stoplight at nagkatinginan.
“Napatingin lang po ako sa kanila. Sasabihan ko nga sana na wala silang helmet sa unahan banda. Bigla na lang nila ako ginitgit at sabi sa akin ni Sir Cabudoy na, 'ang sama mo makatingin ah.' Iiwan ko na sana sila pero sa unahan sinigawan nila ako, 'tumigil ka tumigil ka!,” kuwento ni David.
“Akala ko po katapusan ko na po nung araw na yun. Salamat na lang po nahuli na mga taong 'yan. Hindi po sila dapat humawak ng baril nananakit ng kapwa nila,” emosyonal niyang pahayag.
Ayon kay Manila Police District Director Brigadier General Arnold Ibay, dinisarmahan na ang dalawang pulis at isinailalim sa protective custody sa District Personnel Holding and Accounting Section.
Nahaharap sila sa administrative cases, bukod pa sa criminal case na inihain ni David.
Dismayado si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian sa ginawa ng dalawang pulis sa kanilang traffic enforcer.
“Hindi welcome ang mga bastos na pulis dito sa aming lugar. Huwag kayong pupunta dito na nagpapasiga-siga, na akala nyo porket pulis kayo mas mataas kayo sa aming traffic enforcers,” anang alkalde.
Nais naman ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na bilisan ang pagdinig sa katulad na kaso ng dalawang pulis.
"Dapat yung disciplinary action gawin kaagad. Para ipakita sa publiko na huwag kayong mag-aalala na hindi pupuwede ang abusadong pulis sa PNP," anang kalihim.-- FRJ, GMA Integrated News