Kumaripas ng takbo ang tatlong bata matapos silang habulin ng isang lalaking hubo’t hubad na kanila palang ama sa Barangay Cembo, Taguig City. Pagkaraan ng ilang oras, hinostage naman ng suspek ang kaniyang sariling ina.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang pagtakbo ng mga bata sa Banaba Street pasado 1 a.m. ng Miyerkoles matapos magbanta ang kanilang ama umano na papatayin niya ang isa sa kanila.
Sinabi ng Barangay Cembo na dumiretso sa kanila ang mga bata upang magsumbong.
“Dahil nanginginig ‘yung mga bata, walang mga tsinelas. Ang sinasabi ng bata na panganay na ‘yung tatay nga raw niya siguro mga isang araw walang tulog. Sabi nga niya naka-chalk nga raw. Hawak-hawak ‘yung kutsilyo ng tatay niya tapos sabi niya, ‘Alam mo ‘to, alam mo ‘to? Itong kutsilyong ito ang papatay sa iyo,” sabi ni Lorna Venancio, VAWC officer ng Barangay Cembo.
Nanatili ang mga bata sa VAWC ng barangay habang naghihintay na dumating ang kanilang ina.
Pagkarating ng nanay, nagdesisyon na sila na ipakulong ang kanilang padre de pamilya.
“Dati nang pumupunta sa amin pero hindi niya tinutuloy kasi ayaw niyang mawasak ang pamilya nila,” ayon kay Venancio.
Pagdating ng 9 a.m., nakatanggap ng tawag ang barangay matapos na i-hostage umano ng suspek ang kanilang ina. Nang kanilang tugunan, may hawak pang patalim ang suspek.
“Nakita namin, hawak-hawak niya pa ‘yung nanay niya. Eh buti na lang, nandun ‘yung isang kapatid na na-convince din siyang bitawan ‘yung nanay. Sa una, talagang alam naman natin ‘pag nasa impluwensiya, parang iba ang galaw,” sabi ng barangay kagawad na si Edgar Ordoño.
Bukod dito, umaalingasaw din umano ang amoy ng gasolina kaya nagpahanda ang pulisya ng bumbero at rescue team.
Matapos makausap ang mga opisyal ng barangay, ng pulisya at kaniyang kapatid, kusa nang binitawan ng suspek ang kaniyang ina at sumama na sa mga awtoridad.
“Sabi niya naalala ko, ‘Gusto kong buuin ang pamilya ko.’ ‘Yun ang paulit-ulit na isinisigaw niya. Mararamdaman mo sa kaniya, parang saklob siya ng sandamukal na problema,” sabi ni Ordoño.
Sinabi ng Barangay Cembo na magsasampa ng reklamo ang mga kaanak ng suspek laban sa kaniya.
Nasa kustodiya na ng Taguig City Police ang salarin, na hindi nagbigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News