Sa operasyon pa lang, aabot na sa mahigit P1 milyon ang babayaran para sa kidney transplant. Bukod pa rito ang mga gamot na kailangang inumin ng pasyente pagkatapos ng operasyon upang hindi tanggihan ng kaniyang katawan ang inilagay sa kaniyang bato.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kabilang ang 23-anyos na anak ni Joy Ong, sa mga may problema sa bato na kailangan nang sumailalim sa kidney transplant.
Noong nakaraang taon, nagtanong si Ong sa National Kidney and Transplant Institute o NKTI kung paano makakapag-kidney transplant ang kaniyang anak.
Bago umano masimulan ang proseso, kailangan umano ni Ong na magpakita ng P600,000 bilang "show money."
Ngunit hindi raw kaya ni Ong ang naturang halaga kaya patuloy na nagda-dialysis lang muna sa ngayon ang kaniyang anak.
Aminado ang NKTI na kailangan talaga na may pera ang mga sasailalim sa transplant. Ang halaga ng operasyon, aabot sa P1.2 milyon. Pero maaari umanong sagutin ng Philhealth ang kalahati nito.
Ngunit bukod sa gastos sa operasyon, kakailanganin ng pasyente ang aabot sa P30,000 na gastusin kada buwan sa iinuming mga gamot upang hindi tanggihan ng kaniyang katawan ang kidney na inilagay sa kaniya.
Inaapela pa raw ng NKTI na tumulong din sana ang Philhealth maging sa anti-rejection medicine ng mga pasyenteng sumasailalim sa transplant.
"Kidney transplant is not for everybody because you have to have medicines that you have to maintain habambuhay para hindi mo i-reject yung kidney," ayon kay Dra. Romina Danguilan, Deputy Executive Director for Medical Services, NKTI.
Ipinaliwanag naman ni Dra. Concéda Casasola, acting Deputy Executive Director for Education, Training and Research Services, NKTI, na ang sinasabing halaga na "show money" ay nasa bank account lang na nagsisilbing katiyakan na matutustusan ng pasyente gamot na kahit man lang sa loob ng anim na buwan matapos ang transplant.
Ngunit kahit may pera kung walang donor ng kidney, kailangan pa ring pumila sa NKTI ang pasyente na maaring tumagal ang paghihintay.
Isa umano sa mga pasyente sa NKTI, anim na taon nang naghihintay na magkaroon ng kidney donor.
Habang may 100 pasyente ang nasa waiting list ng human organ preservation effort o HOPE.
Kaya umaasa ang mga opisyal ng NKTI na mas marami ang magpalista bilang organ donor na isang solusyon din para maiwasan ang bentahan ng kidney.
Iginiit din ng NKTI na mahigpit sila sa kanilang proseso tungkol sa kidney transplant at umaasa silang ganoon din sa ibang ospital. --FRJ, GMA Integrated News