Nahuli ang isang lalaki na suspek sa pagpaslang sa isang Grade 7 student noong 2021, matapos siyang muling masangkot sa isang patayan kung saan babae naman ang biktima sa Pasig City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Miyerkoles, mapapanood ang pagpasok ng Pasig Police sa magkakadikit na barong-barong sa Barangay Pinagbuhatan isang hatinggabi para arestuhin ang 24-anyos na suspek.
Ilang saglit pa, nadakip na ang lalaki, na sangkot umano sa mga insidente ng patayan sa Pasig.
Kasama na rito ang pagpaslang niya sa kapitbahay niyang Grade 7 student noong Mayo 2021 nang hindi sundin umano ng biktima ang kaniyang ipinag-uutos.
Gayunman, ibinasura ng korte noon ang mga kaso laban sa suspek dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Pagkalaya ng suspek, nasangkot na naman siya sa patayan kung saan itinumba ang isang babae at itinapon pa umano sa basurahan.
“Itong biktima ay napagbintangan na siya ang nagsumbong sa ating kapulisan para mahuli itong isang suspek sa illegal drugs operation,” sabi ni Police Colonel Celerino Sacro, Chief of Police ng Pasig.
Hanggang sa nagsilbing susi ang isang testigo upang madakip ang suspek.
Nakapanayam ng GMA Integrated News ang suspek, na dumepensang sangkot siya sa kaso ngunit hindi siya ang gunman. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News