Kabilang ang kapitolyo ng Pilipinas na Maynila sa mga itinuturing pinaka-peligrosong lungsod sa mundo para sa mga dayuhang turista, batay sa Forbes Advisor.
Nakalista ang Maynila bilang 5th riskiest city na may total score na 91.49. Sa usapin ng crime risk, pang-siyam ang Maynila sa listahan; pang-lima sa personal security risk; pang-pito sa health security risk; pang-siyam sa infrastructure security risk, at pang-12 sa digital security risk.
Kasama ng Maynila sa listahan ng pinaka-peligrosong lungsod ang Lago, Nigeria (4th); Yangon, Myanmar (3rd); at Karachi, Pakistan (2nd).
Ang Caracas sa Valenzuela ang lumabas sa Forbes Advisor na nangunguna sa listahan, na may pinakamataas din na marka sa health security risk, highest crime risk, at nakakuha rin worst travel safety rating mula US State Department.
Samantala, ang Singapore ang itinuturing safest city, kasama ang Tokyo, Japan (2nd); Toronto, Canada (3rd); Sydney, Australia (4th); at Zurich, Switzerland (5th).
Ayon sa Forbes Advisor, ikinumpara nila ang 60 international cities sa pitong key metrics na: travel safety, crime risk, personal security risk, health security risk, infrastructure security risk, natural disaster risk, at digital security risk, para malaman ang mga lungsod na peligro at ligtas para sa mga manlalakbay. — FRJ, GMA Integrated News