Sa harap ng matinding kompetisyon dahil sa mga murang sapatos na naggagaling sa China, patuloy pa rin namang lumalaban ang mga matitibay na sapatos na gawa sa Marikina.
Dahil papalapit na ang pasukan sa eskuwela, ilang magulang ang abala na sa pagbili ng sapatos para sa kanilang mga anak sa tinaguriang Shoe Capital of the Philippines na Marikina City.
Mula noon hanggang ngayon, ang tibay at magandang kalidad pa rin ang bentahe ng Marikina shoes.
Ang isang tindahan sa Marikina na mahigit 30 taon nang gumagawa at nagbebenta ng sapatos, binabalik-balikan pa rin ng mga mamimili lalo na bago ang pasukan.
Sina Jane at Kimberly na may mga anak sa elementarya, lumaki na sapatos na gawang-Marikina ang gamit. Kaya nang magkapamilya, dito pa rin sila namimili.
May mga dumayo rin na galing sa Batangas at Rizal para bumili ng sapatos dahil sa matibay ang mga produktong gawa sa Marikina.
Si Mila Ladion, na may tindahan ng mga sapatos, aminadong mahirap ang kompetisyon ngayon dahil sa mga murang imported na sapatos sa merkado.
Apat daw noon ang tindahan ng sapatos ng kanilang pamilya pero isa na lang ngayon.
Para makasabay, binababaan daw nila ang presyo ng kanilang sapatos pero hindi naman nila ikinompromiso ang kalidad ng produkto.
Para tulungan ang industriya ng pagsasapatos, binuksan ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang Balik-Eskwela Shoe Bazaar sa likod ng city hall.
Layon nito na gawing abot-kaya ang dekalidad na Marikina-made footwear at leathercraft products para sa mga mag-aaral.
Magtatagal ang bazaar hanggang August 18. --FRJ, GMA Integrated News