Pumanaw na ang beteranong sports journalist na si Chino Trinidad sa edad na 56.
Ito ang kinumpirma sa GMA News Online ng kanyang anak na si Floresse Trinidad.
"Yes, we are very sad to share the news of his passing last night, July 13, 2024," saad ng mensahe ni Floresse sa text message.
Inatake sa puso si Trinidad nitong Sabado ng linggo habang papunta raw sa Newport World Resorts para sa meeting kasama si Efren "Bata" Reyes at iba pa.
Isinugod sa San Juan de Dios Hospital si Trinidad kung saan siya pumanaw.
Ayon sa kanyang mga anak, si Trinidad ay isang "passionate member of the media and sports community."
"Known to many through his storytelling, he never stopped sharing the greatness of Filipinos," dagdag nila.
"He was a loving husband and a supportive father. He will truly be missed," saad nila.
Nakaburol ang sports journalist sa Sanctuarium sa G. Araneta Avenue, Quezon City. Binuksan ng kanyang pamilya ang burol sa publiko nitong Lunes at maaaring puntahan mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 19, 10 a.m. hanggang 12 a.m.
Ike-cremate ang kanyang mga labi sa Hulyo 20.
Naging commissioner si Trinidad ng dating Philippine Basketball League.
Nagtrabaho rin dati si Trinidad bilang commentator at sports analyst ng GMA Sports. Naging host din siya ng Time Out segment sa 24 Oras at host sa Saksi sa Dobol B ng Super Radyo dzBB.
Noong 2019, ginawaran siya ng special award for Meritorious Conduct sa Dangal ng Maharlika Awards.
Kinilala siya para sa kanyang kontribusyon sa "promotion, awareness, and appreciation of arnis and Filipino martial arts."
Noong 2015 naman ay hinirang siya bilang Natatanging Host Pangpalakasan sa 1st MITv Gawad Kamalayan ng Mapua Institute of Technology. —KG, GMA Integrated News