Nakatali at patay na nang matagpuan ang bangkay ng tatlo katao, kabilang ang isang Australian at asawa niyang Pinay, sa isang hotel sa Tagaytay City nitong Miyerkules.

Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News sa “24 Oras” nitong Huwebes, isang tauhan ng hotel ang nakakita sa mag-asawang biktima at manugang nilang babae.

Nakatali ang mga kamay at paa ng mga biktima at may tape sa bibig.

Sa flash report sa Super Radyo dzBB ni Glen Juego, sinabi ni Cavite Provincial Police Office Director Police Colonel Eleuterio Ricardo, Jr., na inireport sa kanila ang krimen noong Miyerkules ng hapon.

Nakita naman sa CCTV footage mula sa hotel na isang lalaki ang lumabas mula sa kuwarto ng mga biktima, at umalis.

Nanawagan si Tagaytay Mayor Abraham Tolentino sa pulisya na hulihin kaagad ang salarin.

“I’m requesting the provincial and regional [police] to step in and create a task force [...] Within a week, kailangan maganda ang progress report or else relieved muna ang chief of police ng Tagaytay,” babala ng alkalde.

Sinabi ni Ricardo na hinihintay pa nila ang ulat mula sa Scene of the Crime Operations (SOCO) team na sumiri sa crime scene.

Ayon naman kay Tagaytay City Police chief Lieutenant Col. Charles Capagcuan, may sinusundan na sila na posibleng motibo sa krimen pero hindi muna nila ito isinapubliko habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Dadalhin umano ang mga labi ng dalawang Pinay na biktima sa Mindoro, habang iuuwi sa Australia ang labi ng dayuhang biktima. —FRJ, GMA Integrated News