Ipinapaaresto na ng komite ni Senador Risa Hontiveros ang suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo dahil sa hindi niya pagsipot muli sa ginagawang imbestigasyon ng kapulungan tungkol sa POGO hub sa kaniyang nasasakupan.
Sa pagdinig nitong Miyerkules ng committee on women, children, family relations, and gender equality ni Hontiveros, si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang humiling na magpalabas ng arrest order laban kay Guo.
Hiniling din ni Senador Sherwin Gatchalian na i-cite in contempt si Guo, at ang kaniyang mga kaanak na nauna nang ipina-subpoena ng komite pero hindi rin nagpakita sa pagdinig.
"'Di magiging kompleto ang ating mga hearing kung wala ang mga personalidad na ito," ayon kay Gatchalian.
Nitong Martes, sinabi ni Senate President Francis "Chiz" Escudero, na pipirmahan niya ang warrant of arrest laban kay Guo kapag hiniling ito ng komite.
Ayon kay Hontiveros, batay sa ipinadalang sulat ni Guo, sinabi umano ng alkalde na hindi ito makadadalo sa pagdinig dahil sa health and mental health concerns.
Pero wala umanong medical certificate ang naturang sulat.
"We find her claims in the letter void of credibility," ani Hontiveros.
Ayon kay Atty. Stephen David, abogado ni Guo, inaasahan nila ang paglalabas ng arrest order laban sa kaniyang kliyente.
“Hindi naman kami na surprise kasi alam naman namin ang magiging implication kapag hindi ka nag-honor ng subpoena ng Senate, Congress, o korte eh,” sabi ni David sa panayam ng media.
Aalamin umano ni David kung bumuti na ang kalagayan ng alkalde.
“Basta kaya ng ano niya eh. Nag-a-attend naman siya dati, eh, diba? Kaya lang pag kaya niya talaga. Actually, ine-encourage ko talaga siya mag attend,” ayon sa abogado.
Gayunman, wala umanong alam si David patungkol sa mga kamag-anak ni Guo.
Sa panayam ng Dobol B TV noong Lunes kay David, sinabi nito na "na-traumatized" ang alkalde sa nagdaang pagdinig sa Senado na dinaluhan nito.
Ipinaliwanag din niya na natakot ang doktor ni Guo na magbigay ng medical certificate dahil baka ipatawag din sa Senado. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News