Inihayag ng isang opisyal ng Philippine National Police na kasama ang dating pulis na middleman nina Geneva Lopez at Yitshak Cohen sa bibilhing lupa, sa pitong persons of interest sa pagkawala ng magkasintahan sa Tarlac.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Police Major General Leo Francisco, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na hindi pa nila nakakaugnayan ang lahat ng itinuturing persons of interest sa kaso.
"Pito ang POIs natin kasama na 'yung dating pulis na naging kausap nitong magkasintahan na nawawala," ayon kay Francisco.
Ayon sa opisyal, nakikipag-ugnayan naman sa mga awtoridad ang dating pulis na nakatalaga noon sa Angeles City, Pampanga. Siya ang middleman ng magkasintahan at nakasama nang tingnan ang bibilhin sanang lupa sa Capas, Tarlac.
"'Yung kaniyang katransaksyon naman na 'yun ay willing na magsalita at nagsasalita. Ang kanyang nilahad sa paunang imbestigasyon siya ay nakipag-usap nga sa magkasintahan na ito at naghiwalay na sila pagkatapos nung site visit nila sa lupang bibilhin. Nabalitaan na lang nila na nakita yung abandoned vehicle," pahayag ni Francisco.
Tatlong motibo ang tinitingnan ng mga awtoridad sa kaso ng pagkawala ng magkasintahan pero hindi muna ito idinetalye ni Francisco.
June 21 nang huling nakita si Lopez, na Mutya ng Pilipinas Pampanga contestant, at ang kaniyang Israeli boyfriend na si Cohen. Mula sa kanilang tirahan sa Angeles City, Pampanga, bumiyahe ang dalawa patungong Tarlac para tingnan ang bibilhing lupa.
Kinabukasan, nakita ang sunog na sasakyan ng magkasintahan sa gilid ng daan sa Capas, pero wala sa loob ang dalawa.
Isa pang sasakyan na inabandona ang nakita naman sa Tarlac City, na hinihinalang may kaugnayan din sa pagkawala ng magkasintahan.
Tungkol sa posibleng kalagayan nina Lopez at Cohen, sinabi ni Francisco na, "Sa ngayon, wala pa tayong nakikitang indikasyon na sila ay pinatay, namatay, or whatever kasi malabo pa po yung ganung anggulo dahil sa ngayon ay wala po tayong nakikitang body or anything na makakapag-ugnay kung sila ay buhay o patay."
Nag-alok ang pamilya ni Cohen P250,000 na pabuya sa sino mang makabibigay ng impormasyon para makita ang dalawa.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News