Timbog ang isang pulis at dalawang iba pa dahil sa ilegal na pagbebenta ng baril sa Taguig City. Ilan sa mga nakuhang armas, may logo ng Armed Forces of the Philippines.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakorner ang tatlong suspek sa Acacia Street, Barangay Cembo sa ikinasang buy-bust operation ng Southern Police District nitong Martes.
Isang police asset umano ang nakabili ng baril na humantong sa kanilang pagkakadakip.
"'Yung police na isa sa suspek is active, assigned siya sa ating Regional Holding and Accounting Section or the RPAS of NCRPO. Itong pulis na ito is meron pending case of illegal discharge of firearms," sabi ni Police Major Maynard Pascual, Acting Chief ng District Operation Unit ng SPD.
Nasabat sa mga suspek ang dalawang .9 pistol at isang mataas na kalibre ng baril na binibenta umano sa halagang P250,000. Ang isa, may logo pa ng AFP.
Parokyano ng tatlong suspek ang mga taga Metro Manila at kalapit na probinsya.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga naaresto, na iniimbestigahan kung kabilang sa malaking sindikato.
Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at kasalukuyan silang nakakulong sa SPD Headquarters. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News