Humingi ng paumanhin ang Tourism and Cultural Affairs Office sa harap ng mga kritisismo ng netizens sa nangyaring kaguluhan at pambabasa sa mga taong dumaan sa San Juan sa selebrasyon ng taunang "Wattah Wattah Festival” noong June 24.
“Taos-puso kaming humihingi ng paumanhin sa mga naapektuhan ng kaguluhan ng ilang mga dumalo sa pagdiriwang. Tinitiyak namin na gagawin namin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang masigurong pananagutin ang lahat ng mga lumabag nang naaayon at upang hindi na ito maulit pa sa mga susunod na pagdiriwang,” saad sa inilabas na pahayag ng San Juan City Tourism and Cultural Affairs Office na naka-post sa Facebook page ng San Juan City.
Inilabas ang naturang pahayag sa harap ng mga video post online at mga negatibong reaksyon mula sa netizens na makikita na may mga tao na nagbubukas ng sasakyan para buhusan ng tubig ang mga taong nakasakay.
May mga nanghaharang din at may mga sumasampa rin sa sasakyan. May video na makikitang may isang nambabasa na tila tinutuya pa ang tao na kaniyang binabasa na walang magawa.
“Umabot sa Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang mga ulat ng kaguluhan at seryosong tinutugunan namin ang lahat ng reklamo hinggil sa nangyaring Basaan noon Hunyo 24. Kami ay aktibong nangangalap ng ebidensya ng kauguluhan sa nasabing kaganapan,” ayon pa sa pahayag.
Hinikayat nila ang publiko na ipadala sa kanila ang mga katibayan, gaya ng video at larawan para matukoy ang mga lumabag at masampahan ng kaukulang reklamo.
“Ang mga isinumiteng video ay sinusuri upang matukoy ang mga lumabag sa City Ordinance No. 51, series of 2018, at ibang umiiral na batas,” it added.
Ipinaliwanag ng Tourism Office ng San Juan na ang basaan ay tradisyon sa lungsod bilang paggunita sa kanilang patron na si Saint John the Baptist.-- FRJ, GMA Integrated News