Sinisiyasat na ng mga awtoridad ang sport utility vehicle (SUV) na pinaniniwalaang ginamit ng nawawalang Mutya ng Pilipinas-Pampanga candidate na si Geneva Lopez at nobyo niyang Israeli. Nakita ang sasakyan na sunog sa gilid ng kalsada sa Capas, Tarlac noong Sabado.

Nakita rin sa loob ng sunog na sasakyan ang ilang gamit ni Lopez gaya ng ID. Una rito, sinabing nagtungo sa Tarlac mula sa Pampanga ang beauty pageant contestant at nobyong si Yitshak Cohen para tingnan ang bibilhing lupa.

June 22 nang iulat ng kanilang kaanak na nawawala ang dalawa.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad ng mga CCTV footage na nakakuha sa mga dinaanan ng sasakyan ng magkasintahan.

Sa isinagawang backtracking ng pulisya, nakakuha sila ng CCTV footage na nakitang umalis ang SUV sa Angeles, Pampanga at nakarating sa Subic-Clark-Tarlac Expressway.

“Ito’y magandang susi para maresolba ang ginagawang investigation ng kapulisan lalo na ang Capas police station,” ayon kay Police Major Vicky Tamayo, Angeles Police Station commander.

Isinumite na rin sa Capas Fire Station ang debris samples ng SUV sa national headquarters para alamin ang dahilan ng pagkasunog nito.

“Ang concentration (ng sunog),’yung location parang sa driver side, sa front, tsaka ‘yung engine bay. ‘Yun ang totally burned at may mga signs na doon ang pinakamataas na temperature na nakita nila,” ayon kay Capas Fire Marshal Rustico Tayag Jr.

Samantala, nag-aalala naman ang mga kasamahan ni Lopez sa kaniyang kalagayan. Kasali dapat si Lopez sa event ng Mutya ng Pilipinas Pampanga (MPP) nitong Miyerkules.

“Knowing her, napaka on time niya lagi kaya nagtaka kaming lahat nang all of a sudden during our last rehearsals 'di siya nakarating,” ayon kay Lee Basilio Gozun, MPP Q&A mentor.

Kakatawanin sana ng 26-anyos na si Lopez ang kaniyang bayan na Sto. Tomas sa Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024. Ito na rin sana ang huling pagkakataon niya na lumahok sa naturang kompetisyon.

“She is one of the strongest candidates. Even last year she ended in the Top 5. Ganun siya ka positive and makikita mo sa kanya na even though hindi niya na win yung crown last year, yung positivity nasa kanya. She’s very kind, she’s a very sweet girl. Kaya nakakapanghinayang talaga,” sabi ni Rowena Aguilar Laughlin, MPP provincial director.

“Malungkot po siyempre. As much as gusto mo mag enjoy minsan naiisip mo kung nasaan na siya. Sana po mahanap na siya or kung nasaan man siya ngayon ay safe siya,” saad naman ng MPP candidate na si Francine Galang Miclat.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang pamilya ni Lopez pero hindi pa raw sila handa sa ngayon.

Samantala, batid na rin ng Israeli Embassy ang pagkawala ng kanilang kababayan na si Cohen, at nakikipag-ugnayan umano sila sa pulisya.—FRJ, GMA Integrated News