Sinagot ni Speaker Martin Romualdez ang mga tanong ng mga mamamahayag tungkol sa kaniyang plano sa midterm elections sa 2025, at presidential elections sa 2028.
Sa tanong kung tatakbo ba siyang senador sa 2025, sinabi ni Romualdez na muli siyang kakandidato bilang kinatawan ng 1st district ng Leyte na hawak niya ngayon sa Kamara de Representantes.
“Siguro, mananatili muna ako sa 1st District ng Leyte, and I’ll just do my work kasi marami pang kailangang itapos d’yan sa first district,” sabi ng kongresista ng makapanayam sa isang proyekto sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) nitong Miyerkules.
Sa tanong kung tatakbo ba siyang pangulo sa 2028 batay sa mga espekulasyon ng iba, sinabi ni Romualdez na, "Matagal pa 'yon."
Tatlong Duterte sa Senado
Hiningan din ng komento si Romualdez kaugnay sa plano umanong pagtakbo bilang mga senador sa Eleksyon 2025 nina dating Pangulong Rodrigo Duterte, at mga anak nito na sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City First District Representative Paolo Duterte, batay sa pahayag ni Vice President Sara Duterte.
“It’s a democratic nation that we live in, so any Filipino has [a] right provided that they have the proper qualifications to seek for higher office,” ayon kay Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sinabi rin ni VP Sara na si Baste umano ang tatakbo sa kanilang pamilya bilang pangulo sa 2028. -- mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News