Nawawala ang Mutya ng Pilipinas-Pampanga candidate na si Geneva Sarita Lopez at kaniyang Israeli boyfriend na si Yitshak Cohen. Sa Tarlac, isang sunog na sasakyan ang nakita at natagpuan rito ang ilang gamit ng dalaga.

Sa isang post ng Mutya ng Pilipinas Pampanga organization sa Facebook, nakasaad na Biyernes, June 21, pa nang iulat na nawawala sina Lopez, 26-anyos, at si Cohen.

"The Mutya ng Pilipinas Pampanga Organization assures the public on the frequent monitoring with police authorities for any updates regarding her whereabouts," anang organisasyon. "We enjoin the public to assist us in any information that might lead to the resolution of this case."

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing isang sunog na sport utility vehicle (SUV) ang nakita sa Capas, Tarlac, at nakita sa loob nito ang ilang gamit ni Lopez gaya ng ID.

Una rito, sinabing nagtungo ang magkasintahan sa Capas para tingnan ang bibilhing lupa.

Madaling araw ng Sabado ang makita at respondehan ng mga bumbero ang isang nasusunog na SUV na nasa gilid ng kalsada.

Kinumpirma ng mga kaanak ni Lopez na sa nawawalang dalaga ang ilang nakitang gamit sa sunog na sasakyan,

Ayon sa Capas Police, nagtungo na sa pulisya ang mga taong kakatagpuin ng dalawa at nagbigay ng pahayag, na kanilang susuriin.

Patuloy ang paghahanap sa magkasintahan.--FRJ, GMA Integrated News