Nakapaglagak ng piyansa si dating Negros Oriental governor Pryde Henry Teves makaraang arestuhin sa kasong terrorism financing.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing agad pinakawalan si Teves matapos magpiyansa sa halagang P600,000 para sa tatlong bilang ng paglabag sa Terrorism Financing Suppression Act of 2012.
Nahaharap din sa parehong kaso ang kaniyang kapatid na si dating Negros Oriental representative Arnolfo "Arnie" Teves Jr.
Sinabi ng Department of Justice na nahaharap sa deportation proceedings sa Timor Leste si Arnie Teves.
Dagdag ng DOJ, mayroong sapat na ebidensya upang ipakitang ginagamit ng magkapatid ang ilan sa kanilang mga ari-arian upang pondohan ang mga aktibidad na may kinalaman sa terorismo.
Wala pang komento ang magkapatid kaugnay sa kanilang mga hinarap o hinaharap na kaso
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na dinakip nila si Teves 8:15 a.m. sa Barangay Taclobo, Dumaguete City, Negros Oriental.
Idinagdag ng PNP na tinaguriang "most wanted person sa Provincial Level No. 1 at Regional Level No. 1" ang nakababatang Teves.
Si Teves ay itinalaga bilang terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC) noong Agosto 2023 kasama ang kanyang kapatid at 11 iba pa.
Sinabi ng ATC na kabilang sa kanilang mga paglabag ang pagsasagawa ng terorismo; pagpaplano, pagsasanay, paghahanda at pagpapadali sa pagsasagawa ng terorismo; paghikayat at pagiging miyembro ng isang teroristang organisasyon; at pagbibigay ng mga materyal pangsuporta sa mga terorista.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News