Kinondena ng Taiwan ang ginagawa ng China na nagpapataas umano ng tensyon sa rehiyon dahil sa mga mapangangib nitong pagkilos laban sa Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa post sa X (dating Twitter), inihayag ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan na, ''#China’s dangerous actions against #Philippines vessels & personnel have maliciously raised regional tensions.''
''#Taiwan condemns violence, opposes attempts to forcefully alter the status quo & calls for peaceful dispute resolution & respect for international maritime law,'' dagdag nito.
Kamakailan lang, muling hinarang at ginipit ng mga tauhan ng China Coast Guard ang mga sundalong Pinoy na sakay ng mga sasakyang pandagat para sa rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal.
Pitong sundalo ang nasugatan sa ginawang panggugulo ng China, isa sa mga sundalo ang naputulan ng daliri.
Sumampa rin ang mga tauhan ng China Coast Guard sa rigid-hulled inflatable boats ng Pilipinas at kinumpiska ang mga armas ng mga sundalo.
Naglabas din ng mga larawan at video ang mga awtoridad na makikitang armado ng mga patalim at palakol ang mga tauhan ng China.
Sadya umanong ginagalit ng China ang Pilipinas sa ginagawa nitong panggigipit sa West Philippine Sea para udyukan ang mga sundalong Pilipino na unang magpaputok ng baril, ayon sa Philippine Navy.
“They would like to push us to fire the first shot. ‘Yun ang labanan diyan. You should understand. [The] Chinese thought papatol tayo sa maling paraan,” pahayag ni Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad.
Bukod sa Taiwan, na inaangkin ng China na kanilang lalawigan, nagpahayag din ng pagkabahala sa marahas na hakbang na ginagawa ng China ang United States, European Union at iba pang bansa.—FRJ, GMA Integrated News