Hinuli sa gym sa Quezon City ang isang basketball referee na inirereklamo ng panggagahasa umano sa anak ng kaniyang churchmate noong 2014 sa Ozamiz City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Martes, mapapanood na isinasagawa noon ang isang basketball game sa naturang gym nang pasukin ito ng pulisya.
Nakipag-coordinate ang pulisya sa komite na itigil ang laro, bago nila dinala palabas ng court ang referee.
Pagkarating nila sa locker room, inisyu na ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa referee dahil sa panghahalay umano sa biktima, na noo’y 17-anyos.
“‘Yung ating suspek, nagbigay ng tubig doon sa ating biktima, kung saan noong ininom ng bata, she was then 17 years old. Unfortunately nga, nawalan siya ng malay at nalaman niya na lamang noong pagkagising niya, nagkaroon siya ng ulirat, nare-rape na pala siya at that time,” sabi ni Police Brigadier General Jonathan Cabal, Director ng PNP Maritime Group.
Matapos nito, lumuwas ng Maynila ang suspek at nagtago, hanggang sa ma-trace siya ng PNP Intelligence Unit.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag sa GMA Integrated News ang suspek.
Gayunman, una na niyang sinabi sa pulisya na pinepersonal lang siya ng pamilya ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News