Bangkay na nang matagpuan sa ilog sa Marilao, Bulacan ang isang walong taong gulang na batang lalaki matapos mahulog sa creek sa Caloocan City sa gitna ng mga pag-ulan nitong Lunes.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jhaycob Anderson Manrique na walang tigil na pinaghahanap ng mga rescuer kahit madilim na matapos mahulog sa creek sa Barangay 176, Caloocan.
Wala nang buhay nang matagpuan si Manrique Martes ng umaga sa Marilao, Bulacan, na 15 kilometro ang layo mula sa creek kung saan siya nahulog.
Mismong ang kaniyang tatay na si Jeronel Manrique ang kumilala sa labi ni Jhaycob.
“‘Ang laki pala ng pinagdaanan mo anak. Biruin mo inabot ka rito sa Marilao.’ Iniisip ko kung gaano siya nagpagulong-gulong, hindi ko alam. Dapat ako na lang sana,” sabi ng nakatatandang Manrique.
Hindi rin makapaniwala ang nanay ng biktima na si Maricel Manrique sa insidente.
Hiniling ni Maricel na hindi na niya pinagbigyan ang pakiusap ng anak na maligo ito sa ulan. Wala siyang kaalam-alam na maglalaro pala ito sa umapaw na creek.
Ayon sa mga residente ng barangay, hindi ito ang unang beses na may nahulog sa creek.
Ipaiinspeksiyon na ng city hall ang creek para maremedyohan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News