Ibinahagi ni Arnold Clavio ang magandang balita na ligtas na siya sa panganib matapos makaranas ng hemorrhagic stroke.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Igan na agad siyang inasikaso ng brain attack team dahil pasok pa siya sa anim na oras na critical period nang dalhin sa St. Lukes Medical Center.
“Pagkatapos ay iniakyat na ako sa Acute Stroke Unit (ASU). Doon ay mahigpit na babantayan ang aking blood pressure (BP) at blood sugar,” pagbahagi ng Kapuso news anchor.
Sa loob ng tatlong araw, sinuri ng neurologist, cardiologist, at rehab doctor ang kondisyon ni Arnold kung lumalala o bumuti ang kaniyang lagay, at upang malaman kung kailangan siyang dumaan sa surgical operation.
“Pero dahil hindi naman tumabingi ang aking mukha o nabubulol ang aking pagsasalita, ‘di ko na kailangan na maoperahan,” pagbahagi ni Arnold.
Ayon umano sa mga doktor, “his slight bleeding is in the thalamus area (left side) which is responsible for sensation and some muscle control that’s why his right legs and arms had numbness and until now feels weak.”
Paliwanag pa ng mga doktor, systemic at warning sign pa lamang ito, at mainam nang naganap ang pagdurugo sa mga maliliit na ugat.
“If the brain is a tree in the forest the bleeding happened in the grass area… meaning manageable,” anang mga doktor.
“Good news, I am out of danger. Sabi nga ni Doc, ‘[N]o more worries. The worst is over! You’re a lucky man!’ Ang kailangang gawin na lang ay mapababa pa ang aking BP at sugar level,” pag-anunsyo ni Arnold.
Pagdating ng pangalawang araw, nagawa nang makaupo ni Arnold ngunit sandali lamang dahil nahihilo pa siya.
“Mahaba pa ang laban na ito. Ang laking pagbabago sa buhay ko habang nasa ASU. Bawal pa akong tumayo kaya kailangan ko na mag-adult diaper. Di ako komportable kaya inabot pa ng tatlong araw bago ako naka-pupu,” pagbabahagi niya.
“Para rin akong sanggol na nililinisan at hinihilamusan araw-araw para maging presko ang pakiramdam,” dagdag niya, at sinabing bago na niyang “kaibigan” ang insulin.
“Abangan ang pag-graduate ko sa ASU at simula ng akong therapy at rehabilitation. At sana ang aking kuwento ay makapagligtas ng maraming buhay.”
Naranasan ni Arnold ang health scare kamakailan, na una niyang naramdaman habang nagmamaneho ng sasakyan.
Ibinahagi ni Arnold na papauwi na siya galing sa paglalaro ng golf noong Hunyo 11 nang may kakaiba siyang naramdaman sa kanang bahagi ng kaniyang katawan na "matinding pamamanhid sa kanang braso at binti."
Matapos dalhin sa pinakamalapit na ospital, na-diagnosed siya ng hemorrhagic stroke at inilipat sa St. Lukes. —VAL, GMA Integrated News