Hindi masisilayan ng fans sa UFC 303 sa June 29 ang pagbabalik sana sa octagon ring ng mixed martial arts star na si Conor McGregor.

Ito ay makaraang ianunsiyo ni UFC President and CEO Dana White, na nagtamo umano ng injury si Conor, na nakatakda sanang harapin si Michael Chandler, bilang main event sa UFC 303 na gaganapin T-Mobile Arena sa Las Vegas sa June 29.

Bago pa man nito, may mga pagdududa na sa naturang laban nang hindi sumipot si Conor kanilang pre-fight press conference.

"Conor McGregor is out of 303 versus Michael Chandler with an injury," saad ni White sa Instagram post.

"The new main event is Alex Pereira, the only person to win both the middleweight and light heavyweight titles in UFC history," patuloy nito.
             
Muling kakaharapin ni Alex ang dating heavyweight world champion na si Jiri, na kaniyang tinalo sa nakaraan nilang pagtutuos.

Samantala, huling sumabak sa octagon ring si McGregor, 35-anyos, noong 2021 na nagtamo siya ng leg injury sa kaniyang laban kay Dustin Poirier.

Nanalo sa naturang salpukan si Dustin via technical knockout.

Sa nakalipas na anim na taon, apat na beses lang na lumaban si Conor, at natalo siya sa tatlong laban.--mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated News